“Taimtim ang aming paninindigang kayo ay hindi pababayaan…”
Ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na isusulong ng kaniyang administrasyon ang kapakanan ng mga manggagawa at sa pagbuo ng isang lipunang “patas” at “makatarungan.”
Sa kaniyang mensahe sa “Labor Day” nitong Huwebes, Mayo 1, kinilala ni Marcos ang bawat hirap at pagsasakripisyo ng mga manggagawang Pilipino at ang kanilang mahalagang papel sa paghubog ng lipunan.
Binanggit din ng pangulo ang kahalagahan ng “paggawa” hindi lamang bilang pag-angat ng isang tao sa kaniyang sarili, kundi bilang isang “dakilang ambag” sa kasaysayan ng bansa.
“Sa bawat araw na ang manggagawang Pilipino ay kumakayod para sa sarili at pamilya, naroroon ang diwang handog para sa ikabubuti ng higit na nakararami,” ani Marcos.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng pangulo na nararapat lamang na gawing pagkakataon ang “Labor Day” upang bumuo ng mga konkretong hakbang na naglalayong “matugunan ang mga pangangailangan ng bawat pamilya, matiyak ang kaligtasan sa lugar ng trabaho, at mapangalagaan ang karapatang makamit ang magandang kinabukasan.”
“Ang mga patakarang ating ipinatutupad ay dapat sumasalamin sa paninindigang ang tunay na yaman ng bansa ay hindi nasusukat sa kita, kung hindi sa dangal ng taong nagsusumikap,” aniya.
Ipinangako rin ng pangulo na patuloy na magiging katuwang ng sambayanan ang pamahalaan sa pagbuo ng lipunang “patas” at “makatarungan” para sa Bagong Pilipinas.
“Alam namin na sa inyo nakasalalay ang kaunlaran ng ating bansa kung kaya't patuloy ang mga proyektong magsusulong sa inyong paglago at kasaganahan,” ani Marcos.
“Taimtim ang aming paninindigang kayo ay hindi pababayaan, bagkus ay higit pang itataguyod—hindi bilang tungkulin lamang, kung hindi bilang pasasalamat at pagkilala sa inyong tunay na halaga at sakripisyo,” saad pa niya.