Iginiit ni labor-leader at senatorial candidate Luke Espiritu na hindi matutupad ang mga isinusulong para sa kapakanan ng mga manggagawa tulad ng nakabubuhay na sahod kung puro “political dynasty” umano ang mahahalal sa 2025 midterm elections.
Sinabi ito ni Espiritu sa isang Facebook post kaugnay ng kaniyang pagdalo sa kilos-protesta sa Maynila sa pagdiriwang ng Labor Day nitong Huwebes, Mayo 1.
“Sahod na nakabubuhay? Regular na trabaho? Walang provincial rate? Mababang presyo? Hindi ito matutupad pag puro dinastiya ang mahahalal sa pwesto,” giit ni Espiritu.
“Halos isang siglo na silang nakaupo pero palala pa rin nang palala ang kahirapan ng milyon-milyong manggagawa.”
Kaugnay nito, nanawagan ang labor-leader na wakasan na ang “pamamayagpag ng mga dinastiya,” dahil nasa manggagawa raw mismo ang solusyon sa mga suliranin ng bawat pamilya ng mga manggagawa sa bansa.
“Para sa ₱1500/day wage increase; para sa pagbuwag ng lahat ng manpower agencies; para sa pantay-pantay na sahod sa buong bansa; para sa mababang presyo; para sa abot-kayang pabahay, libreng serbisyong kalusugan, at pampublikong serbisyo, labor vote tayo sa Mayo 12,” saad ni Espiritu.
Kasama ni Espiritu sa ibinahagi niyang larawan ng pagdalo sa kilos-protesta ng mga manggagawa ang kapwa niya senatorial candidates na sina Ka Leody de Guzman, Jerome Adonis, Sonny Matula, Mimi Doringo, at Ernesto Arellano.
Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.