May 01, 2025

Home BALITA Metro

Kandidatura ni Mayor Honey sa Maynila, iniendorso na rin ng mga Muslim

Kandidatura ni Mayor Honey sa Maynila, iniendorso na rin ng mga Muslim
Photo courtesy: Dra. Honey Lacuna (FB)

Isa pang malaking grupo na binubuo naman ng Muslim communities na nakabase sa Maynila, ang nag-endorso ng kandidatura ng reelectionist na si Manila Mayor Honey Lacuna.

Ipinahayag ng Sultanate of Phangampong a Pilipinas Da’wah Solidarity Inc. ang kanilang pagsuporta sa kandidatura ng lady mayor, sa isang pagtitipon na idinaos para dito.

Sa naturang aktibidad, pinuri ng naturang samahan, na binubuo ng nasa 3,000 member-leaders, ang pamumuno ni Lacuna at ang kanyang mga programa na pinakikinabangan ng lahat ng mga residente.

Partikular na pinuri ng grupo ang mga inisyatiba ni Lacuna sa pagkakaloob nito ng pinakamahusay na pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, kapayapaan at kaayusan.

Metro

Libreng sakay sa LRT/MRT, ‘huwag lagyan ng malisya!'—Palasyo

Tinukoy rin naman ng mga Sultanate officials si Lacuna bilang isang pinuno, na ang concern ay tunay o genuine, hindi lamang para sa mga residente sa lahat ng sektor, kundi para sa Muslim communities sa lungsod.

“Nakita namin ang tapat at epektibong pamumuno ni Mayor Honey Lacuna. Siya ay isang pinunong may puso para sa serbisyo publiko, at karapat-dapat siyang ipagpatuloy ang kanyang panunungkulan,” ayon kay Sultanate Rep. Sultan Nasser Daud.

Tiniyak pa ni Daud kay Lacuna ang buong suporta ng kanilang organisasyon para sa kanyang mga adbokasiya at bisyon para sa isang mas progresibo, mapayapa at inklusibong lungsod.

Sa kanyang panig, labis namang nagpapasalamat si Lacuna sa suporta at pag-endorso sa kanya ng grupo, lalo na ngayong papalapit na ang halalan.

“Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh! Maraming salamat sa inyong mainit na suporta at pagtitiwala sa akin at sa buong Asenso Manileño. Ang inyong suporta ay nagsisilbing inspirasyon at lakas upang lalo pa naming pagbutihin ang aming serbisyo at pagtupad sa aming mga pangako para sa mas maunlad, mas inklusibo, at makatarungang Maynila. Makakaasa po kayo na hindi ko kayo bibiguin. Patuloy po tayong magtutulungan para sa ikabubuti ng lahat," pagtiyak ni Lacuna.

Nauna rito, sinuportahan rin ng United Muslim Community, na binubuo ng iba’t ibang grupo ng mga Muslim, ang kandidatura ni Lacuna.

Natanggap nina Lacuna at ng kanyang mga ka-tiket na sina Vice Mayor Yul Servo at third district Congressman Joel Chua, ang suporta sa isang jampacked rally sa Quiapo, kung saan nakabase ang karamihan sa mga miyembro ng Muslim community sa lungsod.

Una na ring nagpahayag ng suporta sa reeleksiyon ni Lacuna ang Confederation of Truckers Association of the Philippines, Inc. (CTAP), na binubuo ng libu-libong truck owners, operators at mga manggagawa na nakabase sa Maynila.