Nakatanggap ng papuri ang Kapuso TV host na si Drew Arellano matapos sumailalim sa "vasectomy" kamakailan.
Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), si Drew ay isang halimbawa ng isang lalaking nakikisangkot sa family planning at nagpapamalas ng "responsible parenthood."

Sinabi rin ng CPD na 0.1% lamang ng mga lalaking Pilipino ang sumailalim sa vasectomy. Nasa 2% lang daw ng mga lalaki ang gumagamit ng condom. Mga babae pa rin ang karamihan sa mga gumagawa ng paraan para sa family planning kagaya na lamang ng pag-inom ng pills o pagssailalim sa tubal ligation.
"We need more men like Mr. Arellano to encourage men to assume greater responsibility in ensuring the well-being of their partner and their children through responsible parenthood and family planning,” pahayag ni CPD Executive Director, Usec. Lisa Grace Bersales.
Matatandaang noong Lunes, Abril 28, sinabi ni Drew sa pamamagitan ng isang Instagram post na regalo na niya para sa "Mother's Day" sa misis na si "Chika Minute" resident showbiz news presenter Iya Villania ngayong Mayo, ang pagsasailalim sa nabanggit na procedure.
"Happy late and advanced Mother’s Day to my wife. #HappyVA-SEC-TO-MEEE," mababasa sa caption ng post.
Noong Pebrero ay kapapanganak lamang ni Iya sa kanilang baby number 5 na si Anya Love. Bukod kay Anya, may apat pa silang mga junakis na sina Antonio Primo (2016), Alonzo Leon (2018), Alana Lauren (2020), at Astro Phoenix (2022).
Ayon sa National Institute of Child Health and Human Development, ang vasectomy ay isang uri ng permanenteng birth control sa mga lalaki.
Isinagawa ito sa pamamagitan ng isang surgical procedure kung saan pinuputol at tinatakpan ang tubo sa ari ng lalaki na naglalaman ng kanilang semilya.