Pinuri ng legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman ang pag-imbestiga ni Senador Imee Marcos sa Senado hinggil sa naging pag-aresto sa dating pangulo at pagdala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Sa isang panayam na inilabas ng SMNI Gikan sa Masa, Para sa Masa nitong Huwebes, Mayo 1, sinabi ni Kaufman na sinusundan niya ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa kaso ni Duterte.
“I have been following the proceedings in the Senate. I've even read the final report. I've seen the thorough work that has been done by Senator Imee Marcos. Mention has been made of the arrests, mention has been made even of the jurisdictional arguments,” ani Kaufman.
“They are very compelling, and they support our arguments as well,” dagdag niya.
Nang tanungin naman kung pabor ang resulta ng Senate inquiry sa aplikasyon ng kanilang jurisdictional argument, positibo ang naging sagot ni Kaufman.
“There are definitely arguments that can be derived from that report and will be used. Reference will possibly be made as well,” saad ng legal counsel ng dating pangulo.
Matatandaang noong Lunes, Abril 28, nang sabihin ni Marcos, chairperson ng Senate Commitee on Foreign Relations, na base raw sa kanilang imbestigasyon sa Senado, lumabas na “politically motivated” umano ang nangyaring pag-aresto kay Duterte.
Ayon pa sa senadora, planado umano ng administrasyon ang pag-aresto kay FPRRD upang pabagsakin ang mga Duterte.
Matatandaan ding hindi naman sinang-ayunan ng kaniyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos ang naturang pahayag ng senadora.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-react sa findings ni Sen. Imee sa pag-aresto kay FPRRD: ‘I disagree!’
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Marso 11, dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
Inaasahang isasagawa sa darating na Setyembre 23, 2025 ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD