Itinuro ng suspek sa umano'y pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que ang sariling anak ng biktima na si Alvin Que na siya raw utak at umano'y nag-utos na ipakidnap at tuluyang patayin ito.
Iyan daw ang pagkanta sa Philippine National Police (PNP) ng nasakoteng suspek na si David Tan Liao, Miyerkules, Abril 30.
Pero paglilinaw ng pulisya, wala raw maipakitang ebidensya ang suspek para patunayan ang matinding akusasyong ito. Itinuring nila ito sa ngayon bilang "diversionary tactic" upang ilihis ang patutunguhan ng imbestigasyon, at matukoy ang tunay na tao sa likod ng krimen.
Kinondena naman ng grupong Movement for the Restoration of Peace and Order, na pinamumunuan ni Teresita Ang See, ang mga paratang ni Liao laban sa anak na Que.
Batay pa sa mga ulat, nananatiling "respondent" sa kaso si Alvin Que at isinuko ang cellphone para isailalim sa forensics investigation.
Ang suspek naman na si Liao ay naka-inquest na si Liao, kasama pa ang dalawang Pilipinong sina Richardo Austria at Reymart Catequista. Kasalukuyan pa ring isinasagawa ang manhunt operation para sa dalawa pang suspek na sina Jonin Lin at Wenli Gong.
Naunang pumutok ang tungkol sa pagkidnap sa isang Chinese businessman noong Abril 6.
KAUGNAY NA BALITA: 3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!
KAUGNAY NA BALITA: Chinoy steel magnate, dinukot ng grupong nangidnap ng estudyante sa isang exclusive school?