May 01, 2025

Home BALITA National

₱200 umento sa sahod, pagtigil ng 'endo,’ panawagan ng labor groups ngayong Labor Day

₱200 umento sa sahod, pagtigil ng 'endo,’ panawagan ng labor groups ngayong Labor Day
Photo courtesy: Altermidya via MB

Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang labor groups ngayong Araw ng mga Manggagawa, Mayo 1, upang ipanawagan ang agarang ₱200 umento sa sahod at pagtigil ng “endo” sa bansa.

Nagmartsa ang mga miyembro ng National Wage Coalition (NWC), na binubuo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Nagkaisa Labor Coalition, at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), mula España Boulevard patungong Mendiola upang palakasin ang kanilang panawagan sa pamahalaan para sa kapakanan ng mga manggagawa.

Samantala, hindi napigilan ang mga grupo na makarating sa Mendiola dahil sa mga pulisyang ikinalat sa Recto Avenue.

Bukod sa Maynila, nagsagawa rin ang Philippine Metalworkers Alliance (PMA) ng Labor Day rally sa Batangas City, kung saan dinaluhan ito ni Akbayan Partylist first nominee Atty. Chel Diokno.

National

PBBM, nagsalita hinggil sa pagsuspinde kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia

"Naninindigan tayong isabatas ang ₱200 wage hike sa lalong madaling panahon dahil ang huling legislated wage hike ay noon pang 1989. Panahon na para pagaanin ang buhay ng ating manggagawa sa pamamagitan ng wage hike na ito. Huwag na natin silang pag-antayin pa," giit ni Diokno na inulat ng Manila Bulletin.

Nakabinbin sa ikatlong pagdinig ng House of Representatives ang House Bill No. 11376, na naglalayong gawing mandato sa lahat ng private sector employers na pagkalooban ng umentong ₱200 ang arawang sahod ng kanilang mga manggagawa.

Bukod sa umento sa sahod, kasama rin sa panawagan ng mga grupo na ipasa na ang inihain ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na House Bill No. 11007 o ang “Anti-ENDO Law,” na naglalayong gawing regular ang mga manggagawa upang mapagkalooban sila ng nararapat na mga benepisyo.