Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte kay reelectionist Senator Imee Marcos dahil umano sa imbestigasyong ikinasa nito sa Senado hinggil sa pag-aresto sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo sa Leyte noong Martes, Abril 29, 2025, iginiit niyang nais na rin umano niyang makita ang resulta ng nasabing imbestigasyon ni Sen. Imee.
“Nagpapasalamat ako kay Sen. Imee dahil binuksan niya ang pag-uusap kung ano ang ginawa nila, anong mali na ginawa nila kay Pangulong Rodrigo Duterte,” ani VP Sara.
Dagdag pa niya, “Ngayon gusto naming makita na ma-file-an ng kaso ‘yung mga tao na may kasalanan sa kung anong nangyari sa pagdukot kay Pangulong Rodrigo Duterte.”
Matatandaang noong Marso 20 nang ikasa ni Sen. Imee ang pagdinig kung saan idiniin ng senadora ang umano’y ilegal na ginawa ng ilang gabinete ng pamahalaan na sina Department of Justice (DOJ) Jesus Crispin "Boying" Remulla, Defense Secretary Gilberto Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang cabinet members, nanindigang 'di tumulong ang Pinas sa ICC
Noong Marso 11 nang maaresto si dating Pangulong Duterte sa Ninoy Aquino International Airport sa bisa ng arrest warrant na ibinaba ng International Criminal Court (ICC) para umano sa kaso niyang crime against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD