Sinabi ng Malacañang na paiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang reklamo ng mga parukyano ng PrimeWater dahil sa umano’y mataas na singil sa bill at mababang kalidad ng serbisyo sa ilang mga lugar sa Bulacan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, nanindigan si PBBM na walang puwang sa administrasyon niya ang anumang kakulangan sa serbisyo, lalo't karapatan daw ng publiko ang pagkakaroon ng malinis na access at sapat na suplay ng tubig.
”Unang-una po, sinabi po natin na ang kakulangan sa serbisyo ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. Ang pangangailangan po ng tao sa malinis na tubig, sapat na suplay ng tubig ay dapat lang pong nararapat ay hindi pangnegosyo lamang kung hindi ito ay dapat na kinakalinga ang pangangailangan ng taumbayan. Mag-uutos po ang Pangulo para maimbestigahan po ito,” pahayag ni USec. Castro.
Nagreklamo na sa Palasyo ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan ng Bulacan dahil sa patuloy na reklamo ng mga consumer sa kompanyang pagmamay-ari ng pamilya Villar. Tumatakbong senador naman si House Deputy Speaker/Las Piñas Lone District Rep. Camille Villar, na nasa ilalim ng ticket ng administrasyong "Alyansa Para sa Bagong Pilipinas" subalit inendorso rin ni Vice President Sara Duterte kamakailan.
Bagama’t wala raw pagdududa at tiwala pa rin ang Pangulo sa kakayahan ni Villar na na mamuno, subalit kailangan dapat umaksyon agad ang kompanya sa mga reklamong ibinabato laban sa kanila ng consumers, lalo na sa Bulacan.