Nilinaw ng Malacañang na wala umano silang impormasyon hinggil sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na nasa listahan na rin daw siya ng mga aarestuhin ng International Criminal Court (ICC).
Sa press briefing ni Palace Press Secretary Claire Castro nitong Miyerkules, Abril 30, 2025, iginiit niyang wala pa rin umanong masasabi ang Palasyo sa nasabing pahayag ng Pangalawang Pangulo.
“Sa kasalukuyan po, ang inyong katanungan ay very hypothetical. So wala po kaming masasabi patungkol po diyan at we are not dealing with the ICC,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Wala po tayong anumang impormasyon mula sa ICC.”
Matatandaang kamakailan lang nang tahasang ihayag ni VP Sara na kasama na umano ang kaniyang pangalan na aarestuhin ng ICC, kasunod ng pagkakaaresto sa kaniyang ama na dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nasa listahan ako. Marami. Marami kami na nasa listahan ng ICC…Dahil ang akala nila (ICC), ang pinaguusapan namin ay kung ano ang kaso at ano ang ginagawa natin sa kaso dito sa Pilipinas at mga strategy ng kaso,” ani VP Sara sa media sa Carcar City, Cebu.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Iginiit din ni Castro na mas mainam din daw kung ang kampo mismo nina VP Sara ang magbibigay ng linaw sa naturang pahayag.
“Kung saan po nakuha ng Bise Presidente ang kanilang mga impormasyon, mas mabuti po kung sana kanila kukunin, dahil sa panahon po ngayon, wala po kaming masasabi patungkol diyan,” aniya.