Nilinaw ng Malacañang na wala umano halong malisya at pamumulitika ang pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa libreng sakay sa MRT at LRT para sa pakikiisa sa Labor Day.
Sa press briefing ni Palace Press Secretary Claire Castro nitong Miyerkules, Abril 30, 2025, iginiit niya sa publiko na huwag umanong lagyan ng malisya ang naging inisyatibo ng gobyerno.
“Huwag naman po natin bigyan ng malisya.” aniya.
Dagdag pa niya, “Hayaan po nating makinabang yung taong bayan sa mga maaaring itulong ng gobyerno sa kaniya.”
Napapanahon din daw ang nasabing libreng sakay na sapul sa Labor Day sa Mayo 1.
“Ang May 1 po kasi International Labor Day po ito. Hindi naman natin pwedeng ibigay ito sa mga manggagawa sa December,” ani Castro.
Ipinaliwanag din ni Castro kung bakit hindi rin limitado sa mismong Mayo 1 ang nasabing libreng sakay para sa mga pasahero ng LRT at MRT.
“Bigyan po natin kahit konting kaginhawahan at para maibsan naman yung kaunting hirap sa pamamasahe dahil malaki din po itong gastusin para sa mga manggagawa…Kasi po kung May 1 lang ibibigay, karamihan naman po walang pasok. So hindi naman po nila mararamdaman ang benepisyong matatanggap nila,” anang Press Secretary.
Matatandaang noong Martes, Abril 29 nang ihayag ni PBBM ang kaniyang regalo para sa lahat umano ng manggagawa na nagsisimula na ngayong Miyerkules, Abril 30 hanggang Mayo 3.
KAUGNAY NA BALITA: Libreng sakay sa MRT-3, LRT-1, at LRT-2 ikakasa mula Abril 30-Mayo 3