Dadalo si Vice President Sara Duterte sa Miting de Avance ng “Duter10” o senatorial candidates ng partido ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Mayo.
Sa isang media interview nitong Lunes, Abril 28, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni VP Sara na hindi na siya makakadalo sa ibang campaign activities ng PDP-Laban dahil nagdesisyon lamang daw siyang ikampanya ang “Duter10” noong dinala si FPRRD sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra ng administrasyon nito.
“Noong nag-decide ako na mangampanya para sa mga senators ni President Duterte, noong dinala siya sa the Hague, tapos na iyong schedule na ginawa ng PDP. Hindi na siya pwede baguhin dahil nakahanda na lahat ng mga tao,” ani VP Sara.
“So, ang napag-usapan namin ng Secretary General ng PDP, si Atty. Wendel Avisado is that doon ako sa Miting de Avance sasali,” dagdag niya.
Gaganapin ang miting de avance ng PDP sa Mayo 8, 2025 sa Liwasang Bonifacio sa Manila.
Binubuo ang “Duter10” ng PDP senatorial candidates nina reelectionists Senador Bato dela Rosa at Bong Go, mga abogadong sina Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, JV Hinlo, Raul Lambino, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, Dr. Richard Mata, at dating aktor na si Philip Salvador.
Bukod sa Duter10 ay kinumpirma rin ng bise presidente ang pag-endorso niya kina Senador Imee Marcos at Las Piñas Rep. Camille Villar.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pag-endorso kina Sen. Imee, Rep. Villar: ‘United by a common vision’
Samantala, kamakailan lamang ay sinabi ni VP Sara na walang basbas ni FPRRD ang naturang pag-endorso niya kina Marcos at Villar.