Bumaba ang parehong trust at approval rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang parehong tumaas naman ang kay Vice Presidente Sara Duterte, ayon sa survey ng Octa Research na inilabas nitong Martes, Abril 29.
Batay sa noncommissioned “Tugon ng Masa” survey ng OCTA nitong Abril, 60% ng mga Pilipino ang nagtitiwala kay Marcos, kung saan limang puntos na mas mababa ito kumpara sa 65% na natanggap niya noong Nobyembre 2024.
Tumaas naman ang trust rating ni Duterte, mula sa nakuha niyang 49% noong Nobyembre patungo sa 58% nitong Abril.
Pagdating sa performance rating, bumaba rin ang nakuha ni Marcos sa 59% nitong Abril, mula sa 64% na nakuha niya noong ikaapat na quarter ng nakaraang taon.
Inihayag din ng OCTA na tumaas ang approval rating ng bise presidente mula 48% patungong 56%.
Bagama’t bumaba ang rating ni Marcos, nananatiling siya pa rin ang may pinakamataas na nakuhang trust at approval rating nitong Abril.
Isinagawa raw ang naturang survey mula Abril 2 hanggang 5, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 Pilipinong nasa 18 pataas ang edad.