Nagbigay ng paalala sa nalalapit na 2025 midterm elections ang aktres na si Rita Avila hinggil sa pagtanggap ng ayuda o pera.
Sa isang Facebook post ni Rita noong Lunes, Abril 28, panandaliang tulong lang umano ang ayuda at hindi naman paninindigan.
“Huwag na po tayong MASILAW sa AYUDA o PERA. Panandaliang tulong lang sa atin na di naman nila paninindigan. Di pa ba natin napapansin?” saad ni Rita.
Dagdag pa niya, “Kung talagang gusto nilang tumulong ay di na tayo pahihirapan pa dahil mula rin naman sa binabayad nating tax ang mga ‘ayuda.’”
Bukod dito, iginiit din ni Rita na mali umano ang madalas na sinasabing kunin ang ayuda pero huwag iboto kung sino mang nagbigay.
Aniya, “Paano natin maitatama ang buhay natin kung mali ang paraan? Akala nyo ay makakaisa na kayo sa mga politikong madugas sa pag-gawa ng ganun? Lalo lang dumadami ang MALI.”
Samantala, sa parehong araw, nag-endorso si Rita ng mga kumakandidatong senador na sa tingin niya ay hindi corrupt.
MAKI-BALITA: Rita Avila, inendorso sina Kiko-Bam-Heidi-Luke sa pagkasenador