Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na magiging inspirasyon para sa kaniya ang survey ng OCTA Research, kung saan lumabas na siya pa rin ang “most trusted and approved” government official kahit bumaba ang kaniyang rating kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Base sa inilabas na survey ng OCTA nitong Martes, Abril 29, bumaba sa 60% ang mga Pilipinong nagtitiwala kay Marcos, mula sa 65% na natanggap niya noong Nobyembre 2024.
Maging ang performance rating ng pangulo ay bumaba rin mula sa 64% noong ikaapat na quarter ng 2024 patungong 59% nitong Abril.
Gayunpaman, nananatiling si Marcos ang government official na may pinakamataas na nakuhang trust at approval rating nitong Abril.
MAKI-BALITA: Trust, approval rating ni PBBM, bumaba; tumaas naman kay VP Sara – OCTA
Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag nito ring Martes ay sinabi ng pangulo na ipinakikita raw ng survey na naiintindihan ng mga Pilipino kung ano ang nais nilang gawin para sa bansa.
"Well, it just validates what we are doing, that people are beginning to understand what we have been trying to do for the last two and a half—almost three years," ani Marcos.
"So, it continues to inspire me because it shows that we are making progress. That’s always good to know,” dagdag niya.
Inihayag din ng pangulo na kung minsan daw ay hindi niya alam kung nararamdaman ng mga Pinoy ang kanilang mga programa, kaya’t maganda raw na nalaman niya ang kanilang tugon sa pamamagitan ng nasabing survey.
"Kung minsan ay hindi mo naman malaman kung nararamdaman ng tao yung inyong ginagawa. Mabuti naman ay nakikita ng taong-bayan kung ano ‘yung ginagawa natin at paano makakatulong ito sa pampaganda sa kanilang mga buhay," saad ni Marcos.