Magbibigay ng libreng sakay ang MRT-3, LRT-1, at LRT-2 para sa mga commuter bilang pagdiriwang sa Araw ng mga Manggagawa.
Sa isang video statement nitong Martes, Abril 29, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang naturang balita.
Aniya, “Nais kong sabihin sa lahat ng ating mga commuter ay inutos ko na para magbigay ng ating kaunting parangal sa ating mga manggagawa.
“Ngayong Labor Day celebration ay maging libre ang sakay sa MRT-3, LRT-1 and 2. Ito ay mula April 30 hanggang May 3,” dugtong pa ng pangulo.
Ang rutang tinatahak ng LRT-1 ay mula Fernando Poe Jr. hanggang Dr. Santos. LRT-2 naman ang siyang nag-uugnay sa Recto Avenue, Maynila at Antipolo City sa Rizal habang ang MRT-3 naman ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City.