Suportado ni senatorial aspirant Kiko Pangilinan ang panawagan ng labor sector na P200 dagdag-sahod sa pribadong sektor dahil aniya "wala nang mabibili ang [kasalukuyang] minimum wage" sa Metro Manila.
Binigiyang-diin ni Pangilinan ang latest Social Weather Stations (SWS) survey kung saan tinatayang 15.5 milyong mga pamilyang Pilipino ang “mahirap” ang tingin sa kanilang sarili.
Base sa survey ng SWS, nasa 55% ang nasabing self-rated poverty sa bansa para sa buwan ng Abril.
BASAHIN: 15.5 milyong pamilyang Pinoy, mahirap tingin sa sarili – SWS
“Matindi ang daing ng ating mga kababayan dahil mataas ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin. And therefore, what we really have to do is to address these," saad ni Pangilinan sa isang panayam nitong Martes, Abril 29.
“Wala nang mabili ang minimum wage,” giit pa niya.
Sa kasalukuyan, nasa P645 kada araw ang minimum wage sa Metro Manila.
“Eh doon lang sa pagkain hindi na kasya ang minimum wage. Paano pa ang para sa gamot, para sa pamasahe, para sa kuryente, etc.? Kulang talaga,” saad pa ng senatorial aspirant.
Kaugnay nito, sinusuportahan niya ang panawagan ng labor sector na magtaas ng P200 sa minimum wage sa pribadong sector.
“We support itong panawagan ng ating labor sector na nationwide legislated minimum wage of around anywhere between P150 daily to P200 daily,” ani Pangilinan.
Matatandaang nauna nang nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Pangulong Bongbong Marcos na ipasa ang panukalang P200 wage hike.