Isang Chinese national na may dala umanong “spy equipment” ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) malapit sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila nitong Martes, Abril 29.
Narekober ng NBI sa sasakyan na inupahan ng nasabing Chinese national ang equipment na International Mobile Subscriber Identity na hinihinalang ginagawang instrumento upang mangalap ng mahahalaga at sensitibong impormasyon na posible umanong magamit para maimpluwensyahan ang nalalapit na eleksyon.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, limang araw na umanong paikot-ikot ang naturang sasakyan.
Hindi umano marunong magsalita ng wikang Ingles at Filipino ang naturang Chinese.
Matatandaang noong Abril 24 nang ipahayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na may ilang grupo umano ng Chinese ang nagtungo sa Pilipinas upang makialam sa paparating na eleksyon.
Samantala, sa kapareho ring araw nang iginiit ni Chinese foreign ministry spokesperson Guo Jiakun na wala umanong pakay ang China na makialam sa "domestic affairs" ng ibang bansa.
MAKI-BALITA: China, nilinaw na walang interest makialam sa Philippine election