Nakidalamhati si Senador Risa Hontiveros sa mga nabiktima ng nangyaring pag-araro sa mga Pilipinong nagsasagawa ng Lapu-Lapu Day Celebration sa Vancouver, Canada noong Sabado, Abril 26.
Matatandaang nagsagawa ang libo-libong mga Pilipino ng pagdiriwang para sa Lapu-Lapu Day sa Vancouver nang araruhin ang mga ito ng isang SUV.
Nasa 11 na umano ang nakumpirmang nasawi habang hindi pa mabilang kung ilang ang nasugatan sa trahedya.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 28, kinondena ni Hontiveros ang naturang insidente at ipinaabot ang kaniyang pakikiramay sa mga kababayang Pilipinong nasawi at nasugatan.
“I share in the grief and loss of our kababayans affected by the car-ramming incident during the Lapu Lapu Day Festival in Vancouver, Canada. I condemn this act of senseless and cruel violence committed against people who were peacefully celebrating Filipino culture and heritage,” ani Hontiveros.
“My fervent prayers are with the families of those whose loved ones have been killed or injured, and with the entire Filipino Canadian community,” dagdag niya.
Binanggit din ng senadora ang naging pahayag ng Malacañang na palawigin ang tulong sa pamilya ng mga biktima ng trahedya, at upang makamit ang hustisya para sa kanila.
“Given Malacañang's earlier pronouncements, I hope that the Philippine Consulate General in Vancouver and other agencies will extend the necessary assistance to the victims’ families and ensure that genuine justice is served,” saad ni Hontiveros.
“Sa ating mga kababayan sa Canada: Hindi kayo nag-iisa. Nandito kami para sa inyo. Kasama niyo kami sa pagdadalamhati, sa paghahanap ng hustisya, at sa pag-bangon,” dagdag pa niya.
Ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Lapu-Lapu Day upang bigyang-pugay si Datu Lapu-Lapu, ang kilalang bayaning Pilipinong namuno sa pakikipaglaban sa mga Espanyol na pinangunahan ni Ferdinand Magellan sa Battle of Mactan noong 1521.