Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy pa rin ang pagdaraos ng halalan sa mga lugar na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Bulusan nitong Lunes, Abril 28.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, maaari silang maglagay ng satellite voting centers sa mga naturang lugar upang masigurong hindi maaantala ang halalan.
“Parang gagawin natin [kagaya] sa Mt. Kanlaon na kung may mga kababayan tayo na madi-displace sa kanilang mga tirahan na kung saan magkakaroon ng satellite voting centers o offsite voting centers, gagawin din natin yan kung talagang kakailanganin dito sa Bulusan,” paliwanag pa ni Garcia.
Nauna rito, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Bulusan Volcano, kasunod ng naobserbahang phreatic eruption nitong Lunes ng madaling araw.
Dagdag pa ni Garcia, "The readiness of Sorsogon for the conduct of the elections has not been disrupted so far by the recent activity of Mt. Bulusan. The volcanic activity was limited to ashfall."
"The election officers (EOs) of municipalities sorrounding the foot of Mt. Bulusan-Irosin, Juban and Bulusan-reported no forced evacuation or use of any voting center as evacuation sites," anang poll chief.
Binigyan din umano ng instruksiyon ang mga concerned EOs na masusing makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd), local government units at Philvocs para sa pormulasyon ng election-related contingency plan sakaling lumala ang aktibidad ng bulkan.
Samantala, siniguro naman ni Garcia na wala pa silang nakikitang elemento na maaaring magresulta sa pagkaantala ng eleksiyon sa Mayo 12.
Kaugnay na Balita: SP Chiz sa pagputok ng Mt. Bulusan: 'Handa na ang mga evacuation center'