Niyanig ng magkasunod na magnitude 5.5 at magnitude 5.8 na lindol ang probinsya ng Cagayan nitong Lunes ng madaling araw, Abril 28, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa tala ng Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng dalawang lindol.
Yumanig ang magnitude 5.5 na lindol dakong 12:54 ng madaling araw, kung saan namataan ang epicenter nito 13 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan, na may lalim na 15 kilometro.
Naramdaman ang Intensity V sa Calayan Island, CAGAYAN habang Intensity III naman sa Pagudpud, Pasuquin, Bacarra, City of Laoag, at San Nicolas, ILOCOS NORTE.
Naitala rin ang Instrumental Intensities sa mga sumusunod na lugar:
Intensity II - Claveria at Aparri, CAGAYAN; City of Laoag, ILOCOS NORTE
Intensity I - Gonzaga, CAGAYAN; City of Batac, ILOCOS NORTE
Samantala, dakong 1:18 ng madaling araw nang yanigin muli ang Dalupiri Island ng magnitude 5.8 na lindol.
Namataan naman ang epicenter nito 73 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng isla at may lalim itong 48 kilometro.
Naramdaman ang Intensity V sa Calayan, CAGAYAN, Intensity IV sa Pasuquin, Bacarra, at San Nicolas, ILOCOS NORTE, at Intensity III sa City of Batac, ILOCOS NORTE
Naitala rin ng Phivolcs ang Instrumental Intensities sa mga sumusunod na lugar:
Intensity IV - City of Laoag, ILOCOS NORTE
Intensity III - Aparri, at Claveria, CAGAYAN; City of Batac, ILOCOS NORTE; Sinait, ILOCOS SUR
Intensity II - Gonzaga, CAGAYAN; Solsona, ILOCOS NORTE; City of Vigan, ILOCOS SUR
Intensity I- Peñablanca, CAGAYAN
Ayon sa Phivolcs, inaasahan ang aftershocks mula sa naturang dalawang magkasunod na lindol.
Ngunit hindi naman inaasahang magdudulot ito ng pinsala ang naturang mga pagyanig.