April 28, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Pagpapatuli, totoo bang nakakatangkad?

Pagpapatuli, totoo bang nakakatangkad?
Photo Courtesy: Screenshots from MB (YT)

Sa Pilipinas, ang pagpapatuli ay itinuturing na “rite of passage” para sa kalalakihan. Ito ang kaganapan ng kanilang pagbibinata.

Naglalaro sa edad na 9 hanggang 12 ang lalaking tinutuli. Pero minsan, may mas matanda pa raw kaysa edad 12. May ilan din namang sanggol pa lang ay tinutuli na batay sa kagustuhan ng magulang.

Malaki ang impluwensiya ng relihiyon sa ganitong tradisyon. Sa Bibliya, iniuugnay ito bilang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham. Sa Islam naman, sumisimbolo ito ng kalinisan.

Isa sa pinaniniwalaang epekto ng pagpapatuli sa kabataang lalaki ay ang pagtangkad. Nagbabago rin umano ang boses ng lalaking tinuli. Nagiging mas malagong.

Human-Interest

Anak na napahagulgol sa regalong bagong panty ng Mama niya, kinaantigan

Ngunit ayon sa urologist na si Dr. Samuel Vincent Yrastorza sa kaniyang panayam sa ABS-CBN TeleRadyo noong Abril 2023, nagkakasabay lang umano ang pagpapatuli sa yugto ng pagbibinata ng lalaki kaya naipagkakamaling nakakatangkad ang pagpapatuli. 

“Nagiging adolescent na sila, lumalabas na ang masculine features nila. Kasama na ‘yan sa pagiging teenager,” saad ni Dr. Yrastorza.

Ganito rin halos ang paliwanag ni Dr. Tim Yong sa isang episode ng kaniyang vlog noong Enero 2024.

Aniya, “Hindi po totoo na ang pagtutuli o circumcision ay connected sa pagtangkad. Ang height natin is affected by our genes. Nasa lahi po ‘yan. Hindi ‘yon dahil supot ka or circumcised ka.”

“Naoobserbahan lang natin kasi usually ‘yong usual time na circumcision period ng mga bata ay during the time kung saan mabilis ‘yong pagtangkad nila,” dugtong pa ni Dr. Yong.

Pero hindi porke walang kaugnayan ang pagpapatuli sa pagtangkad ay hindi ka na magpapasailalim sa ganitong medical procedure dahil may ilang benepisyo itong naibibigay.

Kapag tuli umano ang isang lalaki, pinapababa nito ang tiyansang magkaroon siya ng penile cancer. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng cancer ay maiuugat sa tira-tirang ihi sa balat ng ari na kalaunan ay nagiging smegma o kupal.

Bukod dito, makakaiiwas din umano ang lalaki sa Sexually Transmitted Disease (STD) dahil wala nang balat na makakapitan ang bacteria.

Kaya ano pang hinihintay mo, ka-Balita? Magpatuli na!

MAKI-BALITA: Pukpok o doktor? Ang tradisyon ng pagtutuli sa Pilipinas