Nilinaw ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na wala umanong napipisil na “frontrunners” para sa nakatakdang papal conclave o pagpili sa susunod na Santo Papa.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay CPCY spokesperson Fr. Jerome Secillano nitong Linggo, Abril 27, 2025, iginit niya ang proseso ng mangyayaring conclave dahil sa pagpanaw ni Pope Francis.
KAUGNAY NA BALITA: Pope Francis, na-coma sanhi ng stroke at irreversible cardiocirculatory collapse
“Palagay ko, sa gagawin nilang general congregation sa pagtalakay nga ng mga isyu, doon nila unit-unting makikita kung sino yung mga dapat nilang iboto. So wala diyan yung pagkakampanya, wala diyan yung tipong frontrunner siya,” ani Secillano.
Binalingan niya rin ang konsepto umano ng media sa pagkakaroon ng kuro-kuro ng publiko sa mga umano’y napupusuan daw na Cardinal ng Vatican.
“Ang frontrunner kasi gawain ng media ‘yan, public perception ‘yan. Pero sa kahuli-hulihan, ang tingin ng mga cardinal electors ang magma-matter kasi sila yung kumbaga magdedesisyon talaga kung sino ang dapat maging Santo Papa,” saad ni Secillano.
Sa kasalukuyan, may tatlong Pilipino Cardinal ang sasalang sa nakatakdang papal conclave na sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, at Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David.