Nagbigay ng paglilinaw ang Police Regional Office - 3 kaugnay sa pagkakadakip sa ilang Aeta na nagsagawa ng protesta Mt. Pinatubo crater noong Abril 18.
Sa Facebook post ng PRO3 nitong Biyernes, Abril 26, ang pag-aresto umano nila sa mga Aeta ay nakabatay sa paglabag sa “public passage and unauthorized entry into an environmentally protected area.”
“Ang lahat ng aksyon na isinagawa ng ating mga tauhan ay alinsunod sa umiiral na batas, kabilang na ang Indigenous Peoples’ Rights Act (RA 8371), at mga patnubay ng PNP hinggil sa makataong pagtrato sa mga nasa kustodiya,” saad ni PBGEN JEAN S FAJARDO, Regional Director ng PRO3.
Dagdag pa niya, “Kinilala namin ang mga isyung binanggit ng NCIP at muli naming pinagtitibay ang aming pangakong pangalagaan ang karapatan ng mga katutubong pamayanan habang pinapanatili ang kaligtasan ng publiko.”
Kasalukuyan na umanong sinusuri ng PRO3 ang insidente at kinokolekta lahat ng mahahalagang ulat at dokumento na makakatulong sa obhektibo at tamang tala.
Bukas din umano ang tanggapan sa pakikipagdiyalogo sa National Commission on Indigenous People (NCIP) at iba pang stakeholders.
Matatandaang kumalat kamakailan ang video ng isang hiker kung saan hinarangan ng mga Aeta ang Mt. Pinatubo Crater bilang paghahayag ng kanilang hinaing sa kanilang ancestral domain at patas na parte sa kita ng turismo.
Samantala, nagbigay na rin ng pahayag ang NCIP noong Biyernes, Abril 25, kaugnay sa nangyari.
MAKI-BALITA: NCIP, nagsalita na tungkol sa Mt. Pinatubo trail incident