Nagbigay ng pagpupugay si dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan kay Pope Francis na pumanaw noong Lunes, Abril 21.
Sa X post ni Pangilinan nitong Sabado, Abril 26, inilarawan niya ang Santo Papa bilang “tinig ng awa, habag, at pag-asa.”
Aniya, “Sa panahon ng matitinding pagsubok at kaguluhan sa mundo, siya ang naging tinig ng awa, habag, at pag-asa.”
“Sa kanyang pamumuno, ating nasaksihan ang isang Simbahang muling yumakap sa mga nagsusumikap sa buhay, nagbigay ng boses sa mga naaapi, at naglatag ng daan tungo sa pagkakaisa at kapayapaan,” dugtong pa ni Pangilinan.
Kaya naman nagpasalamat ang dating senador sa biyaya ng buhay ni Pope Francis na inalay sa paglilingkod.
“Pope Francis, salamat sa lahat. Hindi kailanman mawawala ang iyong alaala sa puso ng sangkatauhan,” sabi pa ni Pangilinan.