Ibinahagi ni dating Senador Bam Aquino kung gaanong naging inspirasyon daw niya si Pope Francis upang isabuhay ang “mapagkalingang pamumuno” at “pagmamahal sa lahat lalo na sa mga nasa laylayan.”
Sa isang Facebook post sa awaw ng libing ni Pope Francis nitong Sabado, Abril 26, binalikan ni Aquino ang araw kung kailan nakadaupang-palad niya ang Santo Papa.
“We continue to reflect on his life, on his service to the Church and what it meant to the whole world,” ani Aquino.
“Na-inspire ako nang matalaga siyang bagong Papa noong 2013. Hindi siya taga Europa o taga Amerika – siya’y taga South America na tulad nating mga Pilipino – nasa laylayan ng mundo.”
Binanggit din ng dating senador kung paanong inuna ng Santo Papa ang mahihirap sa mahigit isang dekada raw nitong pamumuno sa Simbahang Katolika.
“Patuloy akong nagdadasal sa kanya nitong mga nakalipas na taon dahil ang kanyang mga turo ay hindi lamang utos, siya mismo ang halimbawa nang pagbubukas ng Simbahan sa lahat – sa may sakit, sa mga migrant workers, sa mga refugee, sa mga katutubo, sa mga hindi Katoliko at iba pa. He welcomed them, he reached out to them, tao sa tao, puso sa puso niyang kinausap at tinanggap,” ani Aquino.
“Ipinaglaban niya ang kapayapaan sa mga lugar na may digmaan. He criticized the war on Internet, ang fake news at disinformation. Caring for God’s creation, he stood for climate justice and protecting indigenous peoples:
Sa kabila ng posisyon at kapangyarihan, tulad ni Kristo, namuhay si Pope Francis nang simple at malayo sa karangyaan at katulad nating lahat,” dagdag niya.
Mensahe rin ni Aquino sa Santo Papa: “Maraming salamat, Pope Francis. Patuloy kang magiging tanglaw at gabay sa aming lahat. Sisikapin naming isasabuhay ang iyong mga halimbawa – ang mapagkalingang pamumuno at pagmamahal sa lahat lalo na sa mga nasa laylayan.”
Dakong 4:00 ng hapon (PH time) ngayong Sabado ililibing si Pope Francis sa Basilica of St. Mary Major.
Noong Lunes, Abril 21, nang mamayapa ang Santo Papa sa kaniyang apartment sa Domus Sanctae Marthae, Vatican City.
Nagkaroon daw ng stroke ang Santo Papa na sinundan ng coma at irreversible cardiocirculatory collapse na naging sanhi ng kaniyang pagpanaw.
BASAHIN: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
BASAHIN: Pope Francis, na-coma sanhi ng stroke at irreversible cardiocirculatory collapse