Tinatayang 15.5 milyong mga pamilyang Pilipino ang “mahirap” ang tingin sa kanilang sarili, ayon sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Sabado, Abril 26.
Base sa survey ng SWS, nasa 55% ang nasabing self-rated poverty sa bansa para sa buwan ng Abril.
Mas mataas ng tatlong puntos ang datos nitong Abril kung ikukumpara sa 52% o 14.4 milyong naitala noong buwan ng Marso.
Dagdag ng SWS, apat na buwang magkakasunod nang tumataas ang self-rated poor families simula nang bumaba ito ng 13 puntos mula sa 63% noong Disyembre 2024 hanggang 50% noong Enero 2025.
Lumabas din naman sa bagong survey na nasa 32% ng mga Pinoy ang nagsabing hindi sila mahirap.
Samantala, 12% ng mga pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay nasa borderline o nasa pagitan ng mahirap at hindi mahirap.
Isinagawa raw ng SWS ang nasabing survey mula Abril 11 hanggang 15, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters sa bansa.