Natawa na lamang si Senador Imee Marcos sa advice sa kaniya ni Vice President Sara Duterte.
Dumalo sina Duterte at Marcos sa campaign caucus ni mayoral bet Isko Moreno Domagoso at ng slate nito sa Tondo sa Maynila noong Huwebes, Abril 24.
Ipinangampanya ni Duterte ang senatorial slate ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na "DuterTen," sa ilalim ng PDP-Laban.
Kasama rin ang senadora sa ikinampanya niya.
Sa naturang caucus, binanggit ni Duterte na may mga nangangamusta sa dating pangulo na nasa The Hague, Netherlands na kasalukuyang humaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Kaugnay nito, may inihanda ang bise presidente na video presentation sa mga nangangamusta sa kaniyang ama.
Ngunit bago i-play, tinanong muna niya si Marcos kung hindi pa raw ito aalis sa caucus.
"Sa mga nangangamusta, mayroon kaming maliit na video presentation sa inyo. Sigurado ka ba ma'am [Imee] na hindi ka aalis?" tanong niya.
Sabay advice sa senadora: "Ma'am, ang advice ko lang sa'yo sa panahon na ito at sa mga darating na araw, ay magpalit ka na po ng apelyido mo."
"Ay. Sorry. Romualdez pala ang middle name mo," tila pang-aasar pa ng bise presidente sa senadora.
Natawa at sumenyas ng "x" sign si Imee.
"Sabi ko nga, matinong tao si Senator Imee Marcos," ani pa Duterte.
KAUGNAY NA MGA BALITA:
BASAHIN: VP Sara kung tatakbong pangulo sa 2028: 'Do we still have a country by 2028?'
BASAHIN: VP Sara sa P20/kilo ng bigas sa Visayas: 'Para bang hindi kayo nagugutom dito sa Maynila'