Kasama si Marikina Rep. Stella Quimbo at maging ang kaniyang asawang si Miro Quimbo sa mga inisyuhan ng Commission on Elections (Comelec) ng show-cause order dahil sa umano’y vote-buying.
Base sa huling listahan ng Comelec nitong Biyernes, Abril 25, pinagpapaliwanag si Stella dahil sa umano’y vote-buying at abuse of state resources, habang vote-buying din ang dahilan kung bakit pinagpapaliwanag si Miro.
Habang sinusulat ito’y hindi pa naman idinetalye ng Comelec ang tiyak na dahilan kung bakit naakusahan ng vote-buying o abuse of state resources ang mag-asawa.
Kasalukuyang kandidato si Stella bilang alkalde ng Marikina, habang tumatakbo si Miro bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod sa House of Representatives, na kasalukuyang si Stella ang may hawak.
Bukod sa mag-asawang Quimbo, 17 iba pang kandidato ang hinainan ng Comelec ng show-cause order nitong Biyernes.
Samantala, matatandaang nito lamang Huwebes, Abril 24, nang ibahagi rin ng Comelec ang paghain nila ng show-cause kina Manila Mayoral Candidates Isko Moreno at Sam Versoza, Caloocan City Mayor reelectionist Along Malapitan, at anim na iba dahil umano sa “vote-buying.”
MAKI-BALITA: Mayoral bets Isko, Versoza, Malapitan at 6 iba pa, hahainan ng show cause order dahil sa umano’y vote-buying