April 25, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Pukpok o doktor? Ang tradisyon ng pagtutuli sa Pilipinas

Pukpok o doktor? Ang tradisyon ng pagtutuli sa Pilipinas
Photo Courtesy: Screenshots from GMA Public Affairs and Manila Bulletin (YT)

Dahil tapos na ang school year at bakasyon na, uso na naman ang pagtutuli para sa kalalakihang nagsisimula nang magbinata. 

Ayon sa mga tala, kadalasan umanong tinutuli ang mga lalaking nasa edad 9 hanggang 12. Pero minsan, may mas matanda pa raw kaysa edad 12. May ilan din namang sanggol pa lang ay tinutuli na batay sa kagustuhan ng magulang.

Pinaniniwalaang pagtutuli ang isa sa mga antigong uri ng “human surgical procedure” sa daigdig. Kung pagbabasehan ang mga historikal na tala at arkeolohikal na ebidensiya, nagsimula umano ito sa Egypt noon pang ika-23 siglo B.C.E (before the common era).

Sa katunayan, maski sa Banal na Kasulatan ng mga Kristiyano ay matatagpuan ang tradisyon ng pagtutuli bilang kasunduan ng Diyos at ni Abraham.

Human-Interest

Ang 'conclave' at ang pagpili sa susunod na Santo Papa

Sabi ng Diyos kay Abraham sa Genesis 17:9-12, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. Ganito ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan.”

Maging sa Islam ay isinasagawa ang tradisyong ito. Bagama’t hindi binanggit sa Qur'an, binigyang-diin naman sa Sunnah—kalipunan ng mga tala at katuruan ng Propetang si Muhammad—na ang pagtutuli ay batas para sa kalalakihan.

Hindi malinaw kung umiiral na ba ang ganting tradisyon sa Pilipinas sa sinaunang lipunan. Ngunit puwede sigurong ipagpalagay na lumaganap ang pagtutuli sa bansa dahil sa impluwensiya ng dalawang pangunahing relihiyong dinala ng mga dayuhan—ang Kristiyanismo at Islam.

Pero higit sa usapin ng relihiyon, ang pagpapatuli ay may benepisyong pangkalusugan. Pinapababa umano nito ang tiyansang magkaroon ng penile cancer ang lalaki. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng cancer ay maiuugat sa tira-tirang ihi sa balat ng ari na kalaunan ay nagiging smegma o kupal.

Bukod dito, makakaiiwas din umano ang lalaki sa Sexually Transmitted Disease (STD) dahil wala nang balat na makakapitan ang bacteria.

Sa Pilipinas, may dalawang uri kung paano isinasagawa ang pagtutuli. 

Una rito ang “pukpok.” Isang tradisyonal na paraan na madalas ginagawa sa probinsya. Hindi kinakailangang bumayad nang malaki para matulian. Kadalasan sapat na ang isang kahang sigarilyo. Sa paraang ito, lukaw, labaha, at dahon lang ng bayabas ang ginagamit ng manunuli. 

Ngunit matagal nang nagbababala ang Department of Health sa panganib na puwedeng maidulot nito.

Samantala, ang ikalawang uri ng pagtutuli ay mas moderno. Isinasagawa ng mga doktor sa clinic. Ilan sa mga pamamaraang ginagamit ay gomco clamp, plastibell device, o laser cautery. Naging mas accessible pa ito dahil sa programang libreng tuli sa kada barangay ng bawat bayan.

Ikaw, ka-Balita, tuli ka na ba?