May sagot si senatorial candidate Kiko Pangilinan sa mga “basher” na pinagtawanan ang kaniyang naging paghigop ng sabaw kamakailan.
Sa isang X post nitong Huwebes, Abril 24, iginiit ni Pangilinan na sabaw daw ang kaniyang hinihigop at hindi ang pera ng bayan.
“Natawa ang marami sa paghigop ko ng sabaw, pero alam ko po na kailanman, hindi ko hinigop ang pera ng bayan,” ani Pangilinan.
“Pera na dapat para sa masaganang pagkain at masaganang buhay ng bawat pamilyang Pilipino,” saad pa niya.
Kamakailan lamang ay “inokray” ng mga tinawag ng ilan na “trolls” o “basher” ni Pangilinan ang isang video niya ng paghigop ng sabaw, dahil makikita umanong nagkunwari lamang ang dating senador dahil wala naman daw itong nahigop.
Depensa naman ng mga tagasuporta ni Pangilinan, “common sense” naman daw na dahan-dahan lamang at “hindi tinutungga” ang paghigop nito ng sabaw dahil sa mainit ito.
Samantala, sa isa pang X post ay nagpaalala naman si Pangilinan hinggil sa mga nagpapakalat umano ng “fake news” sa social media.
“Huwag pahigop sa fake news! Marami nang nagawa at naipasang batas si Kiko Pangilinan, at madaragdagan pa kapag nakabalik sa Senado sa tulong ninyo!” saad ni Pangilinan.
Matatandaang kamakailan ay “nilait” din ng ilan ang video ni Pangilinan habang kumakain daw ng "dahon ng saging,” na dinepensahan muli ng kaniyang mga tagasuporta.
MAKI-BALITA: Kiko Matos, sinunog mga 'ignoranteng' inokray si Atty. Kiko sa paglantak ng buro't mustasa