Naglabas na ng pahayag ang isang local airline hinggil sa reklamo ng isang pasahero nang hindi payagang makaalis ng Pilipinas ang tatay nito dahil sa "maliit na punit" sa pasaporte.
Matatandaang nag-viral kamakailan ang Facebook post ni Diana Natividad, kung saan ibinahagi niya kung paano nauwi sa hindi magandang pangyayari ang pinakahihintay nilang bakasyon sa Bali, Indonesia.
Sa isang pahayag ng Cebu Pacific, nakipag-ugnayan na sila sa mga apektadong pasahero para maintindihan anila ang sitwasyon subalit hindi raw nila ito makontak.
Bukod dito, nagbigay-paalala ang airline sa publiko na siguraduhing nasa "good condition" ang kanilang pasaporte.
"We take this opportunity to kindly remind all our passengers to ensure their passports are in good condition. Even a minor tear or any unauthorized marking may be considered a damaged passport by foreign immigration authorities, which can lead to denied boarding or entry to the intended international destination," anang Cebu Pacific.
Samantala sa panayam ni Cebu Pacific spokesperson Carmina Romero sa TeleRadyo Serbisyo, na iniulat ng ABS-CBN News, sinabi niya na inabisuhan sila ng Bali immigration office na dine-decline nito ang pasaporte ng tatay ni Natividad dahil sa punit.
Dagdag pa ni Romero kahit na makalipad daw ang buong pamilya sa Bali, haharangin pa rin daw sila roon dahil ito ay naitawag na.
Kung babalikan, sinabi ni Natividad sa kaniyang Facebook post na pinicturan ng ground staff ang pasaporte ng tatay niya at sinabing maghintay dahil kukumpirmahin daw muna ito sa immigration ng Bali.
"She took photos of the passport and told us to wait, saying she would send it to immigration in Bali to confirm if it would still be accepted. We waited… and waited… almost 30 minutes passed, and still nothing. When we asked what the problem was, her responses to us where heightened. One being: 'Kung bigyan ko kayo ng boarding pass at mawalan ako ng trabaho, ano papakain ko sa mga anak ko? 14 days akong suspended.'"
"Dahil na flag na sila at naitawag na yon sa immigration ng Bali, pagdating nila sa boarding gate, identified na sila," saad ni Romero, sa parehong ulat.
Binigyang-diin niya na wala silang intensyon na manira ng bakasyon.
"Wala po kami intensyon manira ng bakasyon. Hindi po kami basag-trip. Ang kaligayahan namin ay mailipad ang aming pasahero kung saan man nila gusto pumunta," aniya.
"Kahit kaunting punit, minor tear or may scratch, nabasa ng tubig, tampered o nasulatan ng ballpen lalo na kung unauthorized marking, issue po talaga yan. Magiging issue po talaga yan sa inyong pagbiyahe.
"Kapag may na detect na perceived damage or tampering, kinukunan namin ng litrato yan at pinapadala sa destination," ayon pa kay Romero.
Giit pa niya, ang airline ang pinapatawan ng multa kung may pasaherong nakakalusot na hindi dapat pinabiyahe.
Sinubukan na rin aniya na kausapin ang pasahero ngunit hindi raw nila ito makontak.