Nasakote ng pulisya ang isang lalaking nagpanggap umanong naholdap matapos niyang maipatalo sa Small Town Lottery (STL) ang pambayad nila ng kuryente.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, nauna umanong humingi ng tulong sa mga awtoridad ang lalaki at iginiit na natangayan daw siya ng ₱10,000 ng mga armadong lalaki. Bunsod nito, mabilis na nagkasa ng checkpoint ang pulisya.
Batay sa salaysay sa media ng Island Garden City of Samal (IGACOS) City Police, nagsimula umano silang magduda sa lalaki bunsod na rin ng kaniyang paiba-ibang pahayag. Kalauna’y napaamin nila ang lalaki na nagawa lamang daw magsinungaling dahil sa takot sa kaniyang misis.
Matapos ang kaniyang naging pag-amin, kinasuhan ng pulisya ang lalaki ng pagpapakalat umano ng maling impormasyon batay sa Presidential Decree 90.