Inamin ng stand-up comedian na si Alex Calleja na hangga’t maaari ay umiiwas daw muna siyang gawing paksa ang politika sa pagpapatawa.
Sa latest episode ng “Morning Matter” nitong Biyernes, Abril 25, sinabi ni Alex na masyado pa raw “bata” ang mga Pilipino para sa gayong uri ng biro.
“The Philippine audience is so young. Gusto muna namin nanliligaw kami to go to our venue. Ayaw naman muna namin mag-alienate ngayon,” saad ni Alex.
Dagdag pa niya, “Gusto nga namin manood ang marami sa bar tapos biglang hahatiin mo ngayon sa politika.”
Sa kabilang banda, aminado naman si Alex na paminsan-minsan ay pumapatol pa rin siya sa politika. Pero tila ayaw na niyang sumali pa dahil sa init ng sitwasyon.
“Ang pinili kong stand, to make people laugh. Para lang ma-relax. I think, that’s a stand,” aniya.
Samantala, bukod sa politika, iniiwasan din umano ni Alex na gawing katatawanan ang relihiyon at sakit.