Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nakatakda umano niyang ipagdiwang ang kaniyang ika-47 kaarawan sa The Hague sa Netherlands.
Sa panayam ng media sa Pangalawang Pangulo noong Miyerkules, Abril 23, 2025, iginiit niyang ipinangako niya ito sa kaniyang mga magulang na sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Elizabeth Zimmerman.
"Nag-promise ako sa mga magulang ko, sa nanay at tatay ko, na sa birthday ko silang dalawa yung kasama. So, babalik ako sa Hague sa birthday ko kasama iyong nanay ko," ani VP Sara.
Sa Mayo 31 ang kaarawan ng Bise Presidente.
Bagama't hindi pa malinaw kung paano makakapasok sa detention center ng International Criminal Court (ICC) si Zimmerman dahil annulled na ang kasal nilang dalawa ng dating Pangulo, kumbinsido si VP Sara na magkikita silang tatlo sa kanilang kaarawan.
"Noong nagkausap kami ni [dating] Pangulong Duterte kahapon, hinihintay n'ya daw na bumisita yung nanay ko. At sinabihan ko din yung nanay ko sa birthday ko na lang tayo magkitang tatlo," anang Pangalawang Pangulo.
Matatandaang kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte matapos siyang maaresto noong Marso 11 dahil sa reklamong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD