Nilinaw ng Malacañang na wala umanong halong pamumulitika ang paglulunsad ng gobyerno ng pagbebenta ng ₱20 na bigas.
Sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Abril 24, 2024, ipinaliwanag ni Palace Press Secretary Claire Castro kung bakit ngayon lamang daw ito napatupad.
"Unang-una po, sa budget po hindi po agad kinaya or masasabi natin na pinag-aralan kung paano ito mapapatupad at ngayon po na kinakaya po natin. Hindi po ba dapat mas magpunyagi tayo at kumbaga ay sabihin nating isang tagumpay ito ng pamahalaan para sa taumbayan?" ani Castro.
Iginit din niyang matagal na raw aspirasyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na maipatupad ang ipinangakong ₱20 na bigas.
"Huwag po tayong magpanegatibo, huwag po nating tingnan na hindi maganda at sinasabing pamumulitika po ito. Sabi nga natin, noon pa po ito aspirasyon. So, kung ito man ay natupad, maganda naman po siguro nagkataon dahil ang Visayas areas ay nakipag-cooperate," anang Press Secretary.
Bumuwelta rin ang Palasyo hinggil sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na panghayop umano ang ibebentang bigas sa nasabing halaga.
KAUGNAY NA BALITA: ₱20 na bigas ng PBBM admin, kinontra ni VP Sara: 'Hindi pantao, panghayop'
"Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan,” anang Palasyo.
KAUGNAY NA BALITA: 'Huwag maging anay!' Usec. Castro, binuweltahan reaksyon ni VP Sara sa ₱20 na bigas
BASAHIN: DA nasaktan sa paratang ni VP Sara sa ₱20 na bigas: 'DA family is deeply hurt'