April 24, 2025

Home BALITA National

Ka Leody, iginiit na palabas lang ng gov’t ₱20 na bigas: ‘Ibasura ang Rice Tariffication Law!’

Ka Leody, iginiit na palabas lang ng gov’t ₱20 na bigas: ‘Ibasura ang Rice Tariffication Law!’
Courtesy: Ka Leody de Guzman

Iginiit ni labor-leader at senatorial candidate Ka Leody de Guzman na palabas lamang ang proyektong ₱20 kada kilo ng bigas na sisimulan sa Visayas, dahil kung sinsero umano ang pamahalaang gawing mura ang bigas sa bansa, dapat nang ibasura ang Rice Tarrification Law (RTL).

Matatandaang noong Miyerkules, Abril 23, nang ianunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) na ipatutupad na ng pamahalaan ang pagbebenta ng ₱20 kada kilo ng bigas sa Visayas, matapos daw pulungin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga gobernador ng rehiyon.

Iginiit naman ni De Guzman sa isang pahayag nitong Huwebes, Abril 24, na “hindi lang ang Kabisayaan ang nangangailangan ng murang bigas.”

“Tama na ang palabas, itigil na ang pambubudol,” aniya.

National

'Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas!'—Romualdez

Ayon pa sa lider-manggagawa, pantapal lamang umano ng Malacañang ang naturang proyekto mula sa pagbaba ng trust rating nito at dahil nauungusan na raw sa pinakahuling survey ang mga senatorial candidates sa ilalim ng PBBM slate na “Alyansa para sa Bagong Pilipinas.”

Giit din ni De Guzman: “Ang availability and capability na ibenta ng ₱20 kada kilo ang bigas sa Visayas ay dahil may sobra pa silang supply ng bigas at palay na nakaimbak sa mga NFA (National Food Authority) warehouses dun. Kailangan nila itong idispose sa lalong madaling panahon bago ito mabulok.”

“Ito rin ang dahilan kung bakit idineklara ng Department of Agriculture nung nagdaang buwan ang State of Rice Food Emergency na nagtulak sa mga local government units na bumili ng “murang” bigas mula sa NFA. Hindi ito ang katuparan ng ipinangako ni Marcos noong 2022 elections,” dagdag niya.

Samantala, binanggit din ng labor-leader na ginagawang “policy shift” lamang umano ng administrasyon ang ₱20 kada kilo ng bigas upang ilihis ang mga kritisismo laban sa RTL na ipinasa bilang batas noong 2019.

Iginiit ni De Guzman na patuloy na nagpapahirap ang RTL sa mga magsasaka dahil pinababagsak nito ang presyo ng mga palay dulot ng pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa.

“Namumutawi ang kapalpakan ng RTL na ibaba ang presyo ng bigas kahit na ilang taon na tayong naga-angkat mula sa ibang bansa,” ani De Guzman.

“Kung sinsero ang Palasyo na pamurahin ang bigas sa buong bansa at hindi maging electoral gimmick lamang, ibasura niya ang RTL. Bigyan ng awtorisasyon ang NFA na bumili ng palay sa ating magsasaka, itodo ang modernisasyon ng lokal na rice production, ipakulong ang mga smuggler at ibuhos ang lahat ng suporta sa ating mga magsasaka,” saad pa niya.