Tatlo ang kumpirmadong patay habang hindi naman bababa sa 10 ang sugatan sa karambola ng anim na sasakyan sa Barangay Fortune, Marikina City noong Miyerkules ng gabi, Abril 23, 2025.
Ayon sa mga ulat, kabilang sa nasabing karambola ng isang trailer truck, isang SUV, dalawang jeep at dalawang sedan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na hindi umano kinayang umahon ng trailer truck sa paakyat na bahagi ng kalsada, dahilan upang mawalan ito ng kontrol at umatras sa mga kasunod pang sasakyan.
"Base sa initial investigation po, itong 40 footer paakyat po siya sa steep part nitong kalsada. Unfortunately, parang hindi po kinaya at umatras po siya hanggang sa nag-siete po yung kaniyang truck. Yung kasunod po niyang sasakyan ang naatrasan," anang Marikina Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) sa media.
Ayon pa sa mga awtoridad, tinatayang umabot ng anim na oras ang rescue at retrieval operation.
"Kasi sa jeep mayroon tayong naipit na buhay at yun ang pinakainingatan natin sa pagkuha. Successfully, thankfully nakuha natin siya nang maayos at nadala natin sa ospital," saad ng Markinia DRRMO.
Samantala, napag-alamang sakay ng isang sedan ang dalawang mag-inang nasawi sa aksidente. Habang pahirapan namang nakuha ang mga labi ng 53 taong gulang na driver ng jeep, matapos siyang maipit ng container van. Kinailangan pa raw gumamit ng crane at backhoe ang mga awtoridad sa pagkuha sa kaniyang katawan.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Marikina Police Custodial Facility ang driver ng trailer truck.