Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na magiging "alaala" at "kasaysayan" na lamang daw ang mahal na presyo ng bigas, matapos niyang purihin si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa pagsasakatuparan ng aspirasyon nitong mapababa sa ₱20 per kilo ang presyo nito.
“Simula pa lang ito. Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas. Sa tulong ng whole-of-government effort, masusundan ito hanggang maabot ng programa ang bawat sulok ng bansa,” saad ni Romualdez sa kaniyang opisyal na pahayag tungkol dito.
Inatasan ni PBBM ang Department of Agriculture (DA) na magsimula na ng pagbebenta ng ₱20 per kilo ng bigas sa Western, Central, at Eastern Visayas sa susunod na linggo.
Naniniwala pa raw ang House Speaker na kung makakapasok at maiboboto ang lahat ng mga kumakandidatong senador sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, senatorial slate ng administrasyon, ay tiyak na raw ang tuloy-tuloy na pagbabago sa presyo ng bigas.
"Marami pa tayong batas na dapat ipasa para maipagpatuloy at mapalawig ang ₱20-rice program,” aniya pa.
Dagdag pa ng House Speaker, "The President has cleared the path. Congress will help him pave and widen that road so no Filipino family is left behind. Sa sipag ng magsasaka at disiplina ng bayan, darating ang araw na ang gutom ay alaala na lang at ang abot-kayang bigas ay karapatan at natatamasa ng lahat."
MAKI-BALITA: Romualdez todo-puri sa ₱20/kilong bigas ni PBBM: 'Turning aspiration into action!'