Nagpahayag ng pagkadismaya ang Department of Agriculture (DA) sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa pagbebenta nila ng ₱20 na bigas.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Abril 24, iginiit ni DA secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na labis umanong nasaktan ang kanilang ahensya sa nasabing pahayag ni VP Sara.
"With all due respect to the Vice President, the Department of Agriculture (DA) family is deeply hurt by her suggestion that NFA rice to be sold ‘hindi pantao, [kundi] panghayop,’” ani Tiu Laurel.
Matatandaang noong Miyerkules, Abril 23 nang igiit ni VP Sara ang kaniya umanong pagdududa sa naturang programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: ₱20 na bigas ng PBBM admin, kinontra ni VP Sara: 'Hindi pantao, panghayop'
“Pag sinabi natin na ₱20 per kilo na bigas yung pwedeng kainin ng tao. 'Yan yung ₱20 na binebenta yung pinapakain sa baboy. Hindi mga hayop ang mga Pilipino,” anang Bise Presidente.
Dinepensahan din ng kalihim ng DA ang pagkain umano nila ng National Food Authority (NFA) rice na siyang tinukoy ni VP Sara na pawang pakain umano sa mga baboy.
"We are fully committed to delivering quality rice to our people. At the DA, we cook and eat NFA rice everyday. We can personally vouch for its quality and safety," anang DA Secretary.
Samantala, inalmahan din ng Palasyo ang nasabing pahayag ni VP Sara at pinayuhan ang Pangalawang Pangulo na huwag umanong maging anay ng lipunan.
“Huwag sanang pairalin ang crab mentality at huwag maging anay sa lipunan. Magkaisa tayo para matupad ng Pangulo at ng pamahalaan ang mga aspirasyon para sa taumbayan,” ani Palace Press Secretary Claire Casto sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Abril 24.
KAUGNAY NA BALITA: 'Huwag maging anay!' Usec. Castro, binuweltahan reaksyon ni VP Sara sa ₱20 na bigas