Kinumpirma ni Davao City Representative Paolo "Pulong" Duterte na buo na ang 12 senador na pinal at pormal na ineendorso ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa panayam sa kaniya habang nasa labas ng International Criminal Court (ICC) facility sa The Hague, Netherlands.
Binisita ni Rep. Pulong ang kaniyang ama sa detention center noong Martes, Abril 12.
Bukod sa tinaguriang "DuterTEN" ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), binanggit din ni Rep. Pulong ang re-electionist na si dating Senador na si Gringo Honasan at retired Marine Col. Ariel Querubin.
Special mention naman daw si SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta na inendorso kamakailan ni Vice President Sara Duterte, at bahagi pa rin ng DuterTEN.
Hindi naman nabanggit ni Rep. Pulong kung ineendorso rin ba ng dating Pangulo, o special mention sina Sen. Imee Marcos at House Deputy Speaker/Las Piñas Lone District Representative Camille Villar.
Ang nabanggit na dalawang senatorial candidates ay inendorso ni VP Sara kamakailan.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Itim ang kulay ng pakikiisa!’ VP Sara, pormal nang inendorso si Sen. Imee
KAUGNAY NA BALITA: Camille Villar, nakipag-fist bump kay VP Sara: 'Walang iwanan'
"Ipinapaabot niya ang pasasalamat niya sa patuloy ninyong pagsuporta sa kaniya at pinapaalam niya sa buong sambayanang Pilipino na patuloy po raw suportahan ang PDP Laban DuterTEN senators plus 2,” anang Pulong.
“Final niya inendorse ngayon sa loob, pinapaalam niya sa inyo si Querubin at Honasan,” aniya pa, na tumutukoy sa "plus 2."
Samantala, ang tinatawag na DuterTEN ay sina Atty. Jimmy Bondoc, Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, Sen. Bong Go, SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, Atty. Jayvee Hinlo, Atty. Raul Lambino, Doc. Marites Mata, Pastor Apollo Quiboloy, at Atty. Vic Rodriguez, at Phillip Salvador.