Ipinagdiinan ni Vice President Sara Duterte na huwag iboto ang Tingog Party-list dahil ang katumbas daw nito ay boto para kay House Speaker Martin Romualdez, na re-electionist naman bilang representative ng Leyte.
Batay sa kumakalat na video ng panayam ng media kay VP Sara, nahingan siya ng reaksiyon sa naging pahayag kamakailan ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre na naguguluhan umano siya sa tiwala ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang legal team na mananalo siya sa impeachment case gayong hindi raw nito maipaliwanag ang tungkol sa confidential fund.
Depensa ni Duterte, hindi sa hindi niya maipaliwanag ang tungkol sa confidential fund kundi ayaw niya talagang magpaliwanag sa mga kasamahan ni Romualdez sa Kamara de Representantes.
“‘Yong second nominee nila na si Jude Acidre, na gusto niyang sumagot ako sa kaniya patungkol sa confidential fund ay pagmamay-ari ni Martin Romualdez kasi second seat siya ng Tingog party-list. So ibig sabihin, pinapasagot nila ako kay Martin Romualdez. Bakit naman ako sasagot sa Tingog party-list?” aniya.
“Maraming nagtatanong sa akin, ‘Ano ba ang magagawa namin?’ Unang-una, puwede n'yo siguro matulong talaga, 'wag n'yo iboto 'yong Tingog party-list."
"Kasi ang boto para sa Tingog party-list ay boto para kay Martin Romualdez."
"Isipin n'yo tatlo na 'yong seats niya sa House of Representatives. 'Yong distrito niya sa Tacloban, 'yong dalawang upuan niya sa Tingog party-list, 'yong upuan ng asawa niya [Yedda Romualdez] 'yong seat ng asawa niya, 'yong seat ni [Jude] Acidre, " aniya pa.
Bukod dito, iginiit din ni VP Sara na kaya raw hindi siya sumasagot patungkol sa isyu ng confidential funds ay dahil "hindi niya masagot" ito, kundi ayaw niyang sumagot tungkol dito dahil sa mga "pagmamay-ari ni Martin Romualdez."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng House Speaker tungkol sa isyu.