Pinalagan ng social media personality at aktor na si Kiko Matos ang panlalait ng ilang netizens kay dating vice presidential candidate at ngayon ay umaasam na muling makabalik sa Senado na si Atty. Kiko Pangilinan, matapos kumalat ang video niya habang kumakain ng "dahon ng saging."
Pero pambabarda ni Kiko sa mga netizen, hindi dahon ng saging ang nilantakan ni Kiko kundi buro at mustasa, na isang delicacy ng mga Kapampangan.
Nagpasampol siya kung paano kinakain ito, na maihahalintulad daw sa patok na Korean samgyupsal.
"Mustasa... buro. Alam n'yo, sa mga Kapampangan, ang pagkain ng hilaw na mustasa sa buro ay isang delicacy. Parang sa samgyupsal, na kahit hilaw ang mustasa, hindi mo ito kailangang lagain para kainin dahil masarap na siya dito," aniya sabay kain ng inihandang buro at mustasa, sa kaniyang Facebook page.
"Ngayon, hindi ko ito ginagawa itong video na ito para depensahan si former Senator Kiko Pangilinan, gusto ko lang magbigay-kaalaman sa mga ignorante diyan. Ang problema kasi, ignorante na nga kayo, proud pa kayo. Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas eh. Kasi ang dali ninyong maniwala sa fake news," saad ni Matos.
Sa comment section, sinabi ni Matos na malinaw na malinaw sa video na hindi dahon ng saging ang kinain ni Pangilinan kundi dahon ng mustasa.