Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na “more than confident” ang kaniyang mga abogado na maipapanalo nila ang kaso ng impeachment laban sa kaniya.
Sa isang panayam nitong Martes, Abril 22, sinabi ni Duterte na agad siyang nagpatawag ng pagpupulong kasama ang kaniyang mga abogado nang makauwi siya sa Pilipinas mula sa The Hague, Netherlands noong Abril 7.
Halos isang buwang nanatili sa The Hague ang bise presidente para sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakadetine sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
“Noong pag-uwi ko galing The Hague ay nag-meeting kami dahil isa din yun sa mga inaasikaso ko. At sinabi ng mga lawyers, they are more than confident na mananalo sila sa impeachment,” ani Duterte.
“Ako naman, I am most confident with the lawyers working on my impeachment case,” dagdag niya.
Tumanggi namang magbigay ng mga detalye si Duterte hinggil sa kanilang mga preparasyon para sa impeachment trial sa Senado na inaasahang sisimulan sa Hulyo 2025.
Matatandaang noong Pebrero 5 nang patalsikin ng House of Representatives si Duterte dahil sa grounds tulad ng umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno.