May 14, 2025

Home SHOWBIZ

State necrological service para kay Nora Aunor, idinaos sa The Metropolitan Theater

State necrological service para kay Nora Aunor, idinaos sa The Metropolitan Theater
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Nagsagawa ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) ng state necrological service para kay Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor sa The Metropolitan Theater nitong Martes, Abril 22.

Bilang pagpupugay kay Nora, nag-alay ng panalangin, bulaklak, mensahe, at awit ang mga kilalang personalidad sa sining.

Sa pambungad na pananalita ni CCP Trustee Carissa Coscolluela, sinabi niyang ang mga obra umano ni Nora ay nakaukit na sa puso at kamalayan ng sambayanang Pilipino dahil sa pagiging totoo at tapat nito.

Aniya, “Sa kaniyang mga mata, naramdaman natin ang luha ng mga ina, ng mga manggagawa, ng mga maralitang ipinaglalaban ang karapatan sa bawat araw.”

Charo Santos, Dingdong Dantes papasok sa Bahay Ni Kuya

“Sa kaniyang tinig, narinig natin ang mga panalangin ng mga anak, ang galit ng mga nawalan, at ang pananamapalatayang bumubuhay sa isang bansang laging humaharap sa unos,” dugtong pa ni Carissa.

Tinawag naman ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee na “rebelde” si Nora sa kaniyang eulogy dahil nilabanan umano nito ang status quo at binago ang kolonyal na pagtingin na ang tanging maganda lang sa puting tabing ay ang mapuputi at magaganda.

MAKI-BALITA: Ricky Lee, tinawag na 'rebelde' si Nora Aunor

Matatandaang parehong iginawad ng Malacañang kina Nora at Ricky ang naturang titulo noong 2022 sang-ayon sa joint recommendation ng NCCA at CCP. Si Ricky ang sumulat ng “Himala” na pinagbidahan ni Nora at idinirek naman ng isa pang National Artist na si Ishmael Bernal.

Samantala, inalala naman ni award-winning director Joel Lamangan ang araw kung kailan siya naging ganap na Noranian bago pa man niya idirek ang anim na pelikulang pinagbidahan ni Nora na humakot ng mga parangal at nominasyon.

“May isang eksena [sa ‘Himala’]. Sabi ni [Ishmael Bernal], ‘Joel, ‘yong crowd mo arrange mo na. Isang mahabang-habang libing ng limang kabaong.’ So, lahat ng tao sa kabaong nando’n na. Umiiyak na sila,” lahad ni Joel.

Dagdag pa niya, “‘Guy, pagdating mo [...] dito iiyak ka. Tutulo ang luha sa kaliwang mata mo.’ ‘Di pwedeng take two kasi gabi na. [...] Pagbaba ng crane do’n sa guhit, nando’n si Ate Guy. Pagdating do’n, lumuha siya sa kaliwa nga! Doon ako naging Noranian. Napakahusay.”

Sa kabila nito, kinilala rin ng direktor ang mga kahinaan ni Nora bilang tao tulad ng pagiging huli madalas sa set o ang pabago-bago nitong tindig sa politika.

“Pero iisa lang ang consistent sa kaniya,” ani Joel. “Ang katumpakan ng pagmamahal sa mga nasa laylayan ng lipunan, ang katumpakan ng pagmamahal at pag-aalala sa mga nasa laylayan ng lipunan.” 

Inilahad din ni dating ABS-CBN President at CEO Charo Santos-Concio ang mataas na paghanga niya kay Nora simula noong bata pa siya. Sa katunayan, ayon sa kaniya, ginyera umano niya ang isang kaklaseng kumutya sa iniidolo niyang Superstar.

Ayon kay Charo, “Invested kami sa kaniya. Kinikilig kami sa love life niya. Naiiyak sa mga pinagdadaanan niya. Nagagalit kapag may naninira sa kaniya.” 

“Minsan sa ekswelahan, mayro’n akong kaklase na sinabing hindi daw bagay mag-artista si Nora dahil siya raw ay maitim,” pagpapatuloy niya. “Alam n’yo na ang nangyari. Ginyera ko ang kaklase ko. Walang poise-poise. Bawal magsabi ng hindi maganda [sa] aking Superstar. At milyon-milyon kaming katulad ko para kay Nora.”

Sa huli, pinasalamatan ng mga anak ni Nora sa pangunguna ni Ian De Leon ang mga nagpakita ng suporta at presensya para sa kanilang yumaong ina.

Matapos makapagbigay-pugay, inihatid na si Nora sa sa kaniyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani na matatagpuan sa Fort Bonifacio, Taguig City.