Sumakabilang-buhay na ang OPM singer na si Hajji Alejandro batay sa kumpirmasyon ng kaniyang pamilya ngayong Martes, Abril 22.
"It is with deep sorrow that we announce the passing of our beloved Dad and Son, Angelito 'Hajji' T. Alejandro," mababasa sa ipinadalang mensahe ng pamilya sa media.
"At this time, we kindly ask for privacy as our family grieves this tremendous loss. We appreciate your understanding and support during this difficult time. To God be the glory," ayon sa pamilya Alejandro.
Si Hajji ay 70 anyos at kamakailan lamang ay nakipaglaban sa stage 4 colon cancer. Siya ay tatay ng isa pang kilalang mang-aawit at aktres na si Rachel Alejandro.
Naulila niya ang mga anak na sina Rachel at Barni (mga anak nila ni Myrna Demauro) at si Ali (anak nila ng actress-beauty queen na si Rio Diaz na sumakabilang-buhay na rin).
Ang bansag na "Kilabot ng Kolehiyala" ay naging palasak noong dekada 70 hanggang 80 sa Pilipinas, kasabay ng pagsikat ng mga balladeer o mga lalaking mang-aawit na nagtatanghal ng mga awiting romantiko at madamdamin.
Isa sa mga pinakaunang tinawag sa ganitong titulo ay si Hajji, na dahil sa kaniyang magandang tinig, karisma, at hitsura, ay naging paborito ng mga kolehiyalang babae sa panahong iyon.
Ang terminong “Kilabot ng Kolehiyala” ay isang "pop culture phrase" na tumutukoy sa isang lalaking mang-aawit na may malakas na appeal sa mga kabataang babae, partikular na sa mga nasa kolehiyo. Hindi lamang ito tumutukoy sa pisikal na kaanyuan, kundi pati na rin sa estilo ng pag-awit at pagdadala sa entablado—na kadalasang may halong lambing at emosyon.
Bukod kay Hajji, sumunod na ring nabansagan ang ilan pang mga artist tulad nina: Marco Sison, Nonoy Zuñiga, Rey Valera, at Ariel Rivera.
Ang bansag na ito ay naging bahagi ng OPM landscape ng 70s at 80s, at minsan ay ginagamit pa rin ngayon bilang pagbibigay pugay sa mga OPM icons na naging bahagi ng golden era ng musika sa Pilipinas.
Bukod sa pagiging miyembro ng Circus Band, ilan sa mga naging sikat na awitin ni Hajji ang "Kay Ganda ng Ating Musika," "Panakip-Butas," "Tag-araw, Tag-ulan," "May Minamahal," "Ikaw at ang Gabi," "Nakapagtataka," "Pamamaalam," at marami pang iba.
KAUGNAY NA BALITA: OPM icon Hajji Alejandro, pumanaw na sa edad na 70