May posibilidad na si Filipino Cardinal Luis Antonio Cardinal Tagle ang magiging susunod na Santo Papa ng simbahang Katolika.
Isa ang 67-anyos na cardinal mula sa Pilipinas sa mga itinuturing na "papabili" o posibleng maging bagong pope kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis noong Lunes, Abril 21.
BASAHIN: Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
Kaugnay nito, sa panayam ng “Unang Balita” ng GMA News nitong Martes, Abril 22, inihayag ni Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) director for broadcast Fr. Francis Lucas na maaaring manalo si Tagle bilang susunod na pope, ngunit ang Espiritu Santo pa rin daw ang magdedesisyon.
“Si Cardinal Tagle, okay naman, puwede siyang manalo pero ang Espiritu Santo magdedesisyon,” ani Fr. Lucas.
Samantala, kasama rin sa mga itinuturing na “strong contenders” para sa posisyon sina Cardinal Pietro Parolin (Italy), Cardinal Peter Turkson (Ghana), Cardinal Péter Erdő (Hungary), at Cardinal Mario Grech (Malta).
Upang makahalal ng bagong Santo Papa, inaasahang isasagawa ang “conclave” kung saan isusulat ng 240 cardinal sa buong mundo ang pangalan ng kani-kanilang iboboto sa isang papel at saka nila ito itinutupi nang dalawang beses bago isilid sa isang lalagyan.
Susunugin naman ang mga balota pagkatapos ng bawat pagboto, at kapag itim na usok ang lumabas mula sa sunog, ibig sabihin ay wala pang napipiling susunod na Santo Papa, ngunit kapag puti ang usok, nangangahulugan itong mayroon nang napili.
BASAHIN: Ang 'conclave' at ang pagpili sa susunod na Santo Papa