April 22, 2025

Home BALITA Probinsya

₱200K, alok na pabuya sa makapagtuturo sa bumaril sa Koreano sa Pampanga

₱200K, alok na pabuya sa makapagtuturo sa bumaril sa Koreano sa Pampanga
Courtesy: Angeles City Information Office/FB; file photo

Nag-alok ang Korean Association Community of Angeles City ng ₱200,000 na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang mahuli ang suspek sa pagbaril sa isang Korean national sa Angeles City, Pampanga, na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Base sa ulat ng Angeles City Information Office (CIO), ninakawan at binaril ang Koreano dakong 1:50 ng hapon noong Linggo, Abril 20, sa Korean Town sa Angeles.

Agad umanong dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara ring nasawi.

Anang Angeles CIO, ang naturang insidente ang pinakaunang naitala sa lungsod na kaso ng pagkasawi ng isang Korean national sa isang shooting na may kinalaman sa pagnanakaw.

Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Nagpahayag naman ng pagkabahala si Angeles City Mayor Carmelo Lazatin Jr. nitong Lunes, Abril 21, at binigyan ang Angeles City Police Office (ACPO) ng 72 oras upang mahuli ang suspek. 

“We will not allow this brutal act to go unresolved. Angeles City must remain a safe place for both locals and foreigners,” saad ni Lazatin.

Hinikayat ng mga awtoridad ang publikong agad na makipag-ugnayan sa Angeles City Police Office kung magkaroon sila ng impormasyon na tutulong upang maaresto ang suspek sa naturang krimen.