Iginiit ni Atty. Harry Roque na bagama’t hindi siya sang-ayon, susuportahan pa rin daw niya ang desisyon ni Vice President Sara Duterte na iendorso si Senador Imee Marcos, dahil maaari umanong may kinalaman ang hakbang ng bise presidente sa kinahaharap nitong impeachment.
Matatandaang noong Abril 14 nang ilabas ni Marcos ang campaign video niya kasama si Duterte, kung saan iginiit nilang “itim” umano ang kasalukuyang kulay ng bansa.
MAKI-BALITA: ‘Itim ang kulay ng pakikiisa!’ VP Sara, pormal nang inendorso si Sen. Imee
“Alam mo, dumarating yung punto na kinakailangan mo na lang pagtiwalaan mo yung mga pinaniniwalaan mo talaga eh,” pag-react naman ni Roque sa panayam ng SMNI News na inilabas nitong Linggo, Abril 20.
“Ako, hindi ako sang-ayon, pero susunod ako dahil tingin ko may dahilan naman si VP kung bakit niya inendorso,” dagdag niya.
Binanggit din ni Roque na maaaring may kinalaman umano ang pag-endorso ni Duterte kay Marcos sa kinahaharap niyang impeachment sa Senado.
“Siguro ‘yan ay may kinalaman sa impeachment, siguro may pangangailangan na i-expand pa niya ang base niya,” ani Roque.
“Whatever the reason is, susuporta ako kay VP, hindi kay Mangga,” giit pa niya.
Matatandaang bago ilabas ang endorsement video ni Duterte kay Marcos, kumalas ito sa senatorial slate ng kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil hindi umano siya sang-ayon sa tindig ng partido sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagdala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands noong Marso 11 dahil sa kinahaharap na kasong “krimen laban sa sangkatauhan.”
MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, kumalas na sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas
MAKI-BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD