Inihayag ng Department of Health (DOH) na pumalo sa 383 ang kabuuang bilang ng mga aksidente sa kalsada mula Abril 13 hanggang Abril 19, 2025.
Ayon sa Facebook post ng DOH noong Linggo, Abril 20, 2025, lima ang kumpirmadong nasawi na pawang mga sangkot sa motorcycle accidents.
Kaugnay nito, mula sa 50 reporting cites ng DOH, 296 naman ang kanilang naitalang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan pa rin ng mga motorsiklo.
Kinumpirma din ng ahensya na 324 indibidwal mula sa kanilang pangkalahatang bilang ang naiulat na wala umanong suot na safety gears katulad ng helmet para sa mga motorsiklo at seatbelts sa mga 4-wheeled vehicles. Nasa 31 aksidente naman ang may kaugnayan sa pag-inom ng alak.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng DOH na mas mababa raw ng 32% ang kanilang naitalang datos, kumpara noong 2024 sa kaparehong panahon.
Nanawagan din sila sa mga motorista na maging maingat umano sa kanilang pagbiyahe.
"Higit sa lahat, maging mahinahon, kalmado at maunawain sa kapwa motorista. Magmaneho ng maingat at ugaliin ang defensive driving," anang DOH.
KAUGNAY NA BALITA: 15 katao nasawi sa pagkalunod sa kasagsagan ng Holy Week—PNP